Balik Tanaw sa Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo

“Pista ng Ina ng Laging Saklolo”
Ni Rex B. Molines

Ipinagdiriwang ang araw ng Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo o ang Our Mother of Perpetual Help sa buong bansa tuwing ika 27 sa buwan ng Hunyo. Isa sa pinakatanyag at dinarayong Marian shrine ay ang dambana ng Ina ng Laging Saklolo o ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help na kilala rin bilang Redemptorist Church sa Baclaran Paranaque City.
Dito nakalagak ang replica o imahen ng Ina ng Laging Saklolo na nasa pangangalaga ng mga paring Redentrista. Tuwing Miyerkules, mahigit sa 150,000 deboto ng Ina ng Laging Saklolo ang nagtutungo sa Redemptorist Church sa Baclaran dahil ito ang araw na itinuturing nilang extraordinary day ng pananalangin sa ating Mahal na Birheng Maria. Pinaniniwalaan din ng mga deboto ng Ina ng Laging Saklolo na may hatid itong milagro o blessings sa kanila dahil sa matinding debosyon kay Birheng Maria.

Marami sa atin ang nagtutungo o pumupunta sa iba’t ibang mga Simbahan ng Birheng Maria tulad na lamang sa katedral ng Antipolo sa Rizal na dambana ng Mahal na Birhen ng Antipolo na mas kilalang Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Ang Our Lady of Manaoag sa Pangasinan. Sa Bicol region naman ay matatagpuan ang shrine ng Mahal na Birhen ng Penafrancia na talaga namang dinarayo ng mga mananampalatayang Katoliko dahil ito ay isa sa kanilang mga panata at debosyon sa Mahal na Birheng Maria.

Paano at kailan nga ba nagsimula ang debosyon ng mga mananampalataya sa Ina ng Laging Saklolo? Sa pagtatala, ang orihinal na imahen ng Ina ng Laging Saklolo ay nakadambana sa Church of Saint Alphonsus sa Roma na Mother church ng Congregation of the Most Holy Redeemer na mas kilala sa tawag na Redemptorist. Si San Alfonso Maria de Ligouri (isang Redemptoirist) ang nagtatag ng Congregation of the Most Holy Redeemer. Siya rin ang nagtatag ng Legion of Mary at may akda ng “The Glories of Mary”, ang natatanging spiritual inscription tungkol sa Mahal na Birhen. Taong 1906 unang dinala ang replica na imahen ng Ina ng Laging Saklolo ng mga Paring Redentorista. Sapagkat sa kanila ipinagkatiwala ni Pope Pius XI ang orihinal na imahen at ang pagpapalaganap ng debosyon. Makalipas ang ilang dekada ay dito na nagsimula ang tradisyon na pagnonobena ng mga Pilipino na iilan lamang ang nakikiisa sa pagnonobena noon. Samakatuwid, ginawa ang unang pagnonobena sa Redemptorist Church sa Ilo-Ilo City noong Mayo 1946 at sinundan naman ni Father Leo English, ng Lipa City. At ang unang nobena naman sa Baclaran Paranaque ay noong Hunyo 23, 1948. Dahil sa dumarami ang mga nananampalataya sa Birheng Maria ay pinalaki ng mga Paring Redentorista ang shrine ng Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran. Taong 1958 ay opisyal ng iniatas ng mga Obispo sa Pilipinas na ang Redemptorist Church sa nasabing lugar ay magiging National Shrine ng Our Mother of Perpetual Help.

Bukod dito, naging saksi rin si Saint Pope John Paul II sa dakilang debosyon ng mga tao sa Ina ng Laging Saklolo nang magdaos siya ng Misa sa simbahan ng Baclaran noong siya ay Cardinal pa. Dahil dito, siya ay nagbalik sa Simbahan ng Baclaran noong 1981 sa beatification ni San Lorenzo Ruiz at hinimok ang mga taong nagtipon sa shrine na lalong pagtibayin ang kanilang pananampalataya sa Diyos at debosyon sa Banal na Birheng Maria.
Kung inyong mapapansin ang imahen ng ating Mahal na Ina ng Laging Saklolo ay kaniyang kalung-kalong ang batang si Hesus na halos kumaripas ng takbo at nasira ang kaniyang tsinelas dahil sa nagpakita sa batang Hesus ang dalawang anghel na nagbigay pahiwatig sa batang Hesus sa kaniyang sasapitin. Si Saint Michael Archangel ang anghel na nasa kaliwa hawak-hawak ang lance o pangsimbat na may ispongha (sponge) sa dulo na ipinantusok sa tagiliran ni Hesus at ang nasa kanan naman ay si Saint Gabriel Archangel na kaniyang hawak-hawak ang krus na sumisimbulo ng pagpapakahirap kay Hesus (crucifixion). At ang tatlong bituin sa noo ni Birheng Maria o ang Star of the sea na sumisimbulo ng kaniyang pagiging dakilang Ina ng Laging Saklolo sa anak Niyang si Hesus. Ito ay ilan lamang sa mga simbulo ng imahen ng Our Mother of Perpetual Help.

Sa katatapos lamang ng kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo ay hinimok ng Simbahang Katoliko na mas paigtingin at pagtibayin pa ang pananampalataya ng mga deboto ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo at huwag lamang sa tuwing kapistahan magtipon-tipon bagkus ay manalig at magdasal ng taimtim araw-araw para sa kaayusan at kapayapaan ng sambayanang mapagmahal sa pananampalataya sa Ina ng Laging Saklolo anuman ang nangyayaring usaping kinahaharap sa pagitan ng Gobiyerno at ng Simbahang Katoliko. Mangibabaw nawa ang pagiging maka-Diyos at makabayan. =TNRM

Leave a comment