Serbisyo ng Dasmariñas Water District, Pamatid Uhaw Lang sa mga Residente.

Ang tubig ay buhay, isa sa mga pangunahing pangangailangan ng lahat. Marami ang gamit nito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ngunit kung mawawalan ng suplay ng tubig sa isang komunidad ay tiyak na maraming maaapektuhan nito.

Gaya ng nangyayari ngayon sa Brgy. Paliparan 3 sa Dasmarinas City Cavite. Halos tatlong taon ng kalbaryo ng mga residente sa nasabing lugar ang kawalan ng suplay ng Tubig. Ilang beses na ring kinalampag ang ahensya ng Dasmarinas Water District (DWD) sa Social Media, Telebisyon at Radyo sa kinahaharap nitong reklamo sa serbisyo ng tubig ngunit tila bingi ang nasabing ahensya. Isa pa sa mga saloobin ng mga residente dito ay ang hindi pagtugon ng opisina ng kanilang Barangay sa kanilang hinanaing sapagkat hindi raw ito sakop ng kanilang tanggapan.

Nito lamang nakaraang taon ay inireklamo ng concern citizen ng Brgy. Paliparan 3 Dasmarinas Cavite ang problema sa kawalan ng suplay ng tubig laban sa DWD sa isang kilalang radio program ni Raffy Tulfo. Aniya ng DWD Public Information Office, may mga inaayos daw na water pumping station sa ilang bahagi ng Dasmarinas Cavite na nagdudulot ng mahinang suplay ng tubig o ‘low pressure condition’ dahil sa deep well pump ang pinanggagalingan ng tubig sa nasabing lugar. Isa din sa inirereklamo ng concern citizen ay kung bakit pa raw nagbabayad sila ng monthly bill gayung wala namang lumalabas na tulo ng tubig sa gripo sa bawat residenteng nasasakupan nito? Ginisa rin ang nasabing ahensya kung zero water service naman pala ay bakit kailangan pa magbayad ng minimum fee ang mga konsyumer nito?

Ayon pa sa mga nakapanayam ko sa Brgy. Paliparan 3 ay wala pa ring pagbabagong nagaganap sa suplay ng tubig sa kanilang lugar. Halos gapatak lamang ang inilalabas na tulo sa gripo at may pagkakataon pa nga na kalawang ang lumalabas dito at madalas pa nga WALA. Hindi na rin nila magawang ma-maintain ang kalinisan ng kanilang paligid o ang loob at labas ng bahay sapagkat kapos sila sa tubig. Aniya, nakakapag-imbak lamang sila ng tubig tuwing papatak ang ika 6:00 ng gabi, 12:00 ng hating-gabi at 2:00 ng madaling araw upang kinabukasan ay may magagamit pang-saing, pampaligo at panglaba. Madalas pa nga raw ay dumadayo pa sa ibang lugar ang karamihan makapag-igib lamang kahit pa ito’y kanilang bayaran. Nagiging dahilan din ito ng pagkakasakit ng mga bata at pagka-stroke ng ilang matatanda.

Bukod dito, may mangilan-ngilang residente sa kalapit lugar din ang nakararanas na rin ng kawalan ng suplay ng tubig, ito ay ang mga sumusunod; Mabuhay Homes 2000 sa Paliparan 2, Paliparan 2 Elementary School, at ang Brgy. San Francisco 1 sa Dasmarinas Cavite.

Paano na lamang ang mga pumapasok sa kani-kanilang mga trabaho at sa eskwelahan sa lahat ng antas partikular sa inyo pong nasasakupan? Paano na lamang ang mga nangangailangan din ng suplay ng tubig sa food industry, water refilling stations, at isama na rin ang public comfort room, atbp? Paano na lamang po kung magkasunog sa inyong lugar (huwag naman po) at walang tubig na mapagkukuhanan ang ating mga firemen? Higit sa lahat Kelan po ba matatapos ang kalbaryo sa tubig sa Brgy. Paliparan 3 Dasmarinas Cavite?

Hindi po ba kayo nakararamdam ng pagkauhaw sa isyung kinahaharap ng inyong tangapan, DWD? O, sadyang lunok-laway na lang kayo at ayaw ninyong patirin ang uhaw ng mga nanunuyong lalamunan ng bawat konsyumer ninyo? Umaasa po ang inyong mga ka-barangay na inyong matutugunan ang kanilang hinanaing upang sagayon ay makaramdam man lamang sila ng kaginhawaan sa maghapong tirik ang araw at mapanatili ang kanilisan ng kapaligiran kung tuloy-tuloy sana ang daloy ng tubig at hindi pamatid uhaw lamang.

Note: NAKAUSAP NG INYONG ABANG LINGKOD ANG ISA SA MGA TAGA DWD PUBLIC INFORMATION OFFICE KANINANG UMAGA DITO SA SOCIAL MEDIA. ANIYA, NAKA-SCHEDULE MATAPOS ANG KANILANG PAGDI-DRILLING SA KATAPUSAN NG JULY 2018. BAGAMAT NAGHIHINTAY PA RIN SILA NG UPDATE FROM THEIR ENGINEERING TEAM AS WELL.

Larawan mula kay: Mr. Bernard Ricablanca

#TinigNiRexMolines
#DasmarinasWaterDistrict
#BarangayPaliparanSite

Leave a comment